Vice Ganda: “Aray koooo!!!!”
Vice Ganda: “Super tipid ako dito sa London kasi ang mahal…. Tapos bigla kong naalala ung milyon milyon kong tax na pinaghahati-hatian ng mga garapal na magnanakaw. Aray koooo!!!!”
PHOTO/S: Facebook
Idinaan ni Vice Ganda sa seryosong biro ang kanyang pagkadismaya sa mainit na usapin tungkol sa korapsyon sa bansa.
Kasalukuyang nasa London si Vice, kasama ang iba pang Kapamilya singers and stars, para sa ASAP in England na gaganapin sa Birmingham sa Linggo, August 30, 2025.
Sa kanyang Instagram Story ngayong Huwebes, August 28, nag-post si Vice ng larawan ng pinagsasaluhan nilang mga pagkain na nakahain sa lamesa.
Kalakip nito ang kuwento niya tungkol sa kanilang pagkain.
Nagtitipid daw sila ng kanyang mga kasama sa tinutuluyan nilang AirBNB sa London dahil sa mahal ang bilihin.
Namalengke raw sila noong unang araw at nagluto sa halip na kumain sa labas.
Noong ikatlong araw ay ininit na lang daw nila ang natirang adobo.
Pero banat ni Vice sa dulo, bigla raw niyang naalala ang milyun-milyong tax na na ibinabayad niya taun-tao na pinagsasaluhan lamang daw “ng mga garapal na magnanakaw.”
Buong post ni Vice: “Super tipid ako dito sa London kasi ang mahal.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓
“Kaya namalengke na lang kami nung first day at nagluto dito sa air bnb.
“Pangatlong araw na naming iniinit tong natirang adobo.
“Tapos bigla kong naalala ung milyon milyon kong tax na pinaghahati-hatian ng mga garapal na magnanakaw. Aray koooo!!!!”
VICE GANDA TOP TAXPAYER IN 2024
May basehan ang hugot ni Vice Ganda dahil pinarangalan siya noong March 4, 2025 bilang isa sa top taxpayers sa Quezon City noong taong 2024.
Dumalo ang comedian-TV host sa seremonyas na inihanda ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na ginanap sa isang mall sa Quezon City.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Vice na obligasyon ng bawat Pilipino na magbayad ng buwis.
Kaalinsabay ng obligasyon ng mga mamamayang magbayad ng buwis, obligasyon din daw ng mga nasa pamahalaan na sagutin ang tanong kung saan napupunta ang ibinabayad na buwis ng taxpayers na kagaya niya.
Aniya: “Magbayad po tayo ng buwis, obligado tayong magbayad ng buwis at dapat natin gawin yun.
“At pagkatapos natin magbayad ng buwis, karapatan din nating obligahin ang mga hahawak ng mga buwis na ibinabayad natin, tama?
“Kung inoobliga nila tayo, dapat talaga tayong tumupad kasi obligasyon iyan.
“Pag obligasyon, pag sinabing obligasyon, wala kang magagawa, kailangan kong gawin kasi obligasyon ito.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓
“Hindi ito pribilehiyo, ito ay obligasyon.
“Kaya kung obligasyon nating magbayad, karapatan din natin obligahin ang mga tatanggap at gagamit ng perang ibinabayad natin dahil hindi madali kung paano natin kinita ang ipambabayad natin ng buwis…”
Paalala pa niya: “At dahil nagbabayad tayo ng buwis, meron tayong karapatan na tanungin din, ‘Nasaan yung ibinayad nating buwis?’
“Kasi misyon ng BIR, di ba po, gamitin ang mga pera for nation building and to uplift the lives of the Filipino people.
“Tama po ba?” tanong pa ni Vice sa mga opisyales ng BIR Quezon City na kasama niya sa entablado.
Patuloy ng TV host-comedian: “Yun ang misyon. Kaya tayo kinukunan ng buwis kasi yun ang kanilang misyon.
“Kaya pagkatapos nating magbayad ng buwis, tatanungin natin, ‘Nasaan na po yung quality of life? Nasaan na po yung projects?
“‘Nasaan na po yung yung tulay? Bakit po bumagsak ang tulay sa Isabela?’
“Karapatan po natin yon. Tama po ba?” muli niyang tanong sa BIR officials.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓
Saad naman ni Vice sa mga taong nasa audience: “Karapatan nating kumuwestiyon at magsalita at bumoses dahil pera po natin ang ginamit dun.
“Lahat po tayo obligasyon nating magbayad ng buwis dahil tayo rin naman ang makikinabang diyan.
“At obligasyon din ng BIR na maningil kaya, sa ayaw at gusto natin, kailangan nating magbayad.
“Kasi gagamitin nila yon to uplift the lives of the Filipino people.
“At pagkatapos nating magbayad ng buwis, tayo naman ang magtatanong, ‘Nasaan na po ang ibinayad nating buwis?'”
VICO, ANNE, NADINE, BIANCA, CARLA call out corrupt officials
Si Pasig City Mayor Vico Sotto ang isa sa mga unang tumawag ng pansin sa corrupt officials na sangkot sa flood control projects sa kanyang lugar.
Partikular na pinangalanan ni Mayor Vico ang mag-asawang Sarah Discaya at Curlee Discaya na nagmamay-ari ng St. Gerrard Construction, isa sa Top 15 contractors na nagawaran ng biyong pisong kontrata ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa maanomalyang flood control projects.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓
Sumunod si Carla Abellana na nagpasaring kung saan daw kinuha ng mga Discaya ang perang ipinambili nila ng lagpas sa 40 luxury vehicles na nakaparada sa malawak nilang parking lot sa Pasig kung saan nakapag-taping na siya doon.
Hindi na rin naitago nina Anne Curtis, Nadine Lustre, at TV host na si Bianca Gonzalez ang pagkadismaya sa walang kahihiyang nakawan ng pondo ng gobyerno ng ilang namumuno para lamang magpayaman.
Sabi ni Anne sa kanyang mensahe sa X, “When [ma’am] Jessica Soho said, “Hindi na pala baha ang magpapalubog sa ating bayan kundi [kasakiman].” Sakit.”
Nagagalit naman si Nadine sa mga pangungulimbat ng mga pulitiko sa pera ng taumbayan.
Saad niya: “Tapos siyempre nakakagalit and nakakalungkot na makita na yung binabayad nating mga buwis sa ganoon lang napupunta…”
Samantala, ang mga luho ng anak ng corrupt na politiko naman ang binigyang-diin ni Bianca.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓
Mababasa sa tweet ni Bianca (published as is), “my feed filled with posts on the lavish lifestyle of kids of corrupt officials…. and here we are, mga walang generational wealth o nakaw na yaman, na kumakayod araw araw, na minsa’y nahihiya pa magpost ng travel o ng nabili kasi baka “mayabang” ang dating. paano ba to.”