Arnel Pineda charged with Anti-VAWC rap over marital infidelity
Fiscal: There is enough evidence Arnel’s wife suffered psychological violence.

The fiscal ruled that there is sufficient evidence showing Cherry Pineda suffered “psychological violence” due to Journey frontman Arnel Pineda’s alleged marital infidelity. Cherry presented proof of his “sexual relationship” with another woman in 2021.
PHOTO/S: Arnel Pineda Facebook
Nahaharap si Arnel Pineda sa kasong paglabag sa Anti-Violence Against Women and their Children (VAWC) Act dahil sa pagtataksil niya sa kanyang non-showbiz wife na si Cherry Pineda.
Base ito sa resolusyon ng Quezon City Prosecutor’s Office, na may 22 pahina at may petsang June 2025.
Nakadetalye sa resolusyon ang salaysay ni Cherry tungkol sa diumano’y makailang-ulit na pambababae ni Arnel.
Si Arnel ay frontman ng American rock band na Journey.
Si Cherry ay nangangasiwa ng negosyo nilang mag-asawa.
HOW ARNEL PINEDA MET HIS WIFE
Ayon kay Cherry, nagtatratabaho siya bilang real estate agent at receptionist sa isang bar nang magkakilala sila ni Arnel noong March 2003.
Naging magkasintahan sila at kalaunan ay nagdesisyong tumira sa iisang bubong. Kasama nila ang dalawang anak ni Cherry sa dating karelasyon.
Unang taon pa lang nila ni Arnel ay nadiskubre raw ni Cherry, sa pakikipagpalitan ni Arnel ng text messages, ang diumano’y “flings” nito sa iba-ibang babae.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓
Nadiskubre rin umano ni Cherry ang bisyo nitong pag-inom ng alak at “drug abuse.”
Pero pinili raw niyang manatili sa kanilang relasyon sa pag-asang magbabago ang singer.
Bumuo ng pamilya ang couple.
Ipinanganak ang panganay na anak nina Arnel at Cherry noong 2005.
Ikinasal ang couple noong “November 2008″—o halos isang taon mula nang biglang sumikat si Arnel nang kunin siyang lead singer ng bandang Journey.
Naging maalwan daw ang buhay ng kanilang pamilya mula noon.
Pero ayon kay Cherry, lumala ang diumano’y pambababae ni Arnel at pati na ang pagkakaroon nito ng hindi magandang bisyo.
Taong 2011 nang natuklasan daw ni Cherry ang umano’y ugnayan ni Arnel sa isa nilang kaibigan—isang pagtataksil na napakasakit daw para kay Cherry.
CHERRY PINEDA INVESTS ARNEL PINEDA’S EARNINGS
Umasa pa rin daw si Cherry na magbabago si Arnel.
Taong 2012 nang ipanganak ang bunso nina Cherry at Arnel, at noong panahong iyon ay naging maayos ang pagsasama nilang mag-asawa.
Salaysay ni Cherry, base pa rin sa resolusyon, gumawa siya ng paraan para lumago ang ipon mula sa kinikita ni Arnel, sa kaalamang hindi panghabambuhay ang trabaho ng singer.
Sa tulong daw ng background niya bilang real estate agent noon at sa pag-aaral niya sa iba-ibang investment, napalago raw ni Cherry ang investments nilang mag-asawa.
Nakapagpundar sila ng commercial building sa Quezon City, at nakarehistro raw ito sa pangalan ni Cherry bilang “sole proprietor” dahil ideya raw niya ang negosyong ito.
Nakapagpatayo rin daw sila ng rental home sa Cavite, at nakabili pa ng farm lot sa Cavite at isa pang lote sa Bulacan.
Nag-invest din daw si Cherry sa mutual funds para mapalago ang kita nila.
Si Cherry daw ang nangasiwa ng mga ito habang si Arnel ay nakapokus sa career nito bilang singer.
Hanggang sa matuklasan daw ni Cherry ang patuloy na pambababae umano ni Arnel.
Taong 2014 nang mahuli raw niya ang pakikipagpalitan ni Arnel ng text messages sa isang babaeng may ibang code name sa mobile phone nito.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓
Nagdulot daw ito ng matinding alitan sa pagitan nilang mag-asawa.
Pagsapit ng 2021, pinag-awayan daw uli nila ang pambababae umano ni Arnel.
“Thereafter, she again discovered messages between him and other women indicating that they had sexual intercourse or intimate relationships,” saad ng piskal nang ulitin nito ang salaysay ni Cherry sa resolusyon.
Ayon kay Cherry, sa tuwing mararamdaman ni Arnel na susuko na siya ay nagsusumbong daw ito sa kanyang mga magulang para kumbinsihin siya na isaalang-alang ang kapakanan ng mga anak.
CONFRONTATION OVER PROPERTIES
May 2023, lalo raw lumala ang pagsasama ng mag-asawa.
Nagtatanghalian daw si Cherry kasama ng mga anak sa building nila sa Quezon City nang biglang dumating ang driver ni Arnel.
Ipinag-utos daw ni Arnel sa driver na papirmahin si Cherry sa isang dokumentong nagbibigay ng sole authorization kay Arnel sa kanilang joint bank accounts.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓
Nang hindi pumayag si Cherry, dumating daw mismo si Arnel sa lugar at lumikha ng eskandalo.
Pinagmumura raw siya ni Arnel at tinakot na gagawan ng legal na aksyon kapag di pumirma sa dokumento.
Gusto rin daw ipasauli ni Arnel sa kanya ang lahat ng alahas na ibinigay nito.
Pero nanindigan daw si Cherry at hindi pumayag sa gusto ng singer.
Base pa rin sa resolusyon, sabi ng piskal: “During those chaotic times, respondent projected his own infidelities onto her, falsely accusing her of having an affair.
“To control and monitor her movement respondent installed a tracker in her car and relentlessly urged her to sign a waiver that would essentially strip of her rights to their shared assets she had worked hard to build and manage.”
CHERRY PINEDA LEAVES MARITAL HOME
June 2023 nang magpasya si Cherry na mag-alsa balutan at umalis ng bahay nila ni Arnel.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓
Tumira si Cherry sa bahay ng ama.
Naiwan sa poder ni Arnel ang dalawang anak nila, pati isang anak ni Cherry sa dating karelasyon. Ang panganay na anak ni Cherry sa dating karelasyon ay matagal naman nang nakaalis ng poder ng couple.
Sa pag-alis ni Cherry sa kanilang marital home ay lalo raw siyang ginipit ni Arnel.
Inakusahan daw siya ng pakikipagrelasyon sa ibang lalaki.
Saad ng piskal: “Respondent projected his own infidelities onto her, falsely accusing her of having an affair.
“Respondent messaged several relatives and friends, claiming she left because of another man, when, in truth, she left because of the continuous mental and emotional pain he inflicted through his betrayals.
“Respondent went as far as trying to seize control of their funds and properties to coerce her into returning home.”
Pilit daw siyang pinapapirma ni Arnel ng “waiver and quitclaim” para isuko ang lahat ng properties at bank accounts nila.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓
Dahil pati mga anak nila ay nadadamay, napilitan daw si Cherry na ibigay ang mga titulo ng kanilang properties.
Pero hindi pa rin daw pinirmahan ni Cherry ang waiver at quitclaim, at sinabing gusto niya itong padaanin sa kanyang mga abugado.
Kasunod nito ay pormal siyang idinemanda ni Arnel ng adultery.
Dalawang bilang ng adultery ang sinampa ni Arnel laban kay Cherry: isa sa Quezon City Prosecutor’s Office noong June 2023, at isa sa Baguio Prosecutor’s Office noong September 2023.
Noong July 2023, bumisita si Cherry sa bahay nila ni Arnel para makita ang mga anak.
Kinumpronta raw siya ni Arnel at sinabing iaatras ang demanda sa kanya pag pinirmahan niya ang waiver.
Sabi raw ni Arnel, “control at management” lang daw ang gusto nito.
Pero hindi raw pumayag si Cherry.
Sa gitna ng masalimuot na pag-aaway ng mag-asawa, ibinahagi ni Cherry na noong July 2023 ay na-diagnose siya ng “Major Depressive Disorder, Single Episode, Severe with Psychotic Features and prescribed regular medications.”
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓
BARRED FROM ENTERING VILLAGE GATE
Base pa rin sa resolusyon, may insidenteng nagkaroon ng komosyon sa subdivision kunsaan may marital home sila Cherry at Arnel.
Nangyari iyon noong December 2023. Bibisitahin ni Cherry ang mga anak at dala raw niya ang mga regalo para sa mga ito.
Nagulat daw si Cherry nang di siya papasukin ng guard sa subdivision nang walang permiso ni Arnel.
Kinailangan pa raw kumbinsihin ng isang anak ni Cherry ang guard para papasukin siya.
Pero hindi raw pinapasok ang sasakyan. Naglakad daw si Cherry at mga magulang niya mula sa subdivision gate hanggang sa bahay nila ni Arnel habang nakasunod ang guards.
Hiyang-hiya raw si Cherry.
Pero nakumpirma rin daw ni Cherry mula sa homeowners association officers na may instruction nga mula kay Arnel na huwag siyang papasukin ng subdivision kapag walang tao sa bahay ng pamilya Pineda.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓
Sinabi rin daw mismo ni Arnel kay Cherry na nagpa-install ito ng CCTV na may audio sa bahay para ma-monitor ang pagbisita niya sa kanilang mga anak.
CONFRONTATION OVER PROPERTIES
Salaysay pa rin ni Cherry, base sa resolusyon, hindi pa rin natapos ang diumano’y pakikipag-away at panggigipit sa kanya ni Arnel.
Pagsapit ng May 2024, pinagdiskitahan daw ni Arnel ang commercial building nila at pilit na hinihingi sa kanya ang financial records para sa rentals nila roon.
Pinagbawalan din daw siyang mabisita ang mga anak, at ginamit umano ang mga ito para pilitin siyang pasunurin sa demands nito.
Kung anu-ano raw “tactics” ang ginawa ni Arnel para pahirapan at manipulahin siya kaya nagpasya raw si Cherry na idemanda ang mister ng paglabag sa Anti-VAWC Act.
Kalakip ng reklamo ni Cherry ay mga salaysay mula sa mga indibidwal na saksi umano sa pang-aabusong dinanas ni Cherry sa piling ng singer.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓
ARNEL PINEDA’S counter-affidavit
Sa kabilang banda, isinalaysay rin ng piskal sa resolusyon ang nilalaman ng kontra-salaysay ni Arnel.
Itinanggi ni Arnel ang mga alegasyong ipinupukol sa kanya ni Cherry.
Ayon kay Arnel, kaya lang siya idinemanda ni Cherry ay pangontra sa naunang reklamong adultery na isinampa ng singer.
Taong 2021 nang madiskubre umano ni Arnel mula sa common friends nila ni Cherry ang tungkol sa diuman’y pakikipagrelasyon ni Cherry sa ibang lalaki.
Ilang beses daw kinompronta ni Arnel si Cherry ukol dito.
Sa isang pagtatalo raw ng couple noong 2022, hinamon daw ni Cherry si Arnel na ipa-surveillance siya para raw patunayang nagsasabi ito ng totoo.
Tinototohanan daw ni Arnel ang hamon ni Cherry.
Sa tulong daw ng abogado ni Arnel ay umupa siya ng private investigator para subaybayan si Cherry.
Dito raw napag-alaman ni Arnel ang limang insidenteng pakikipagkita umano ni Cherry sa lalaki nito—ang iba ay sa Metro Manila at meron ding out of town.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓
Nagsumite si Arnel ng sworn affidavit mula sa tatlong indibidwal na saksi umano sa relasyon ni Cherry sa ibang lalaki.
Idiniin din ni Arnel na malaking kasinungalingan daw ang sinasabi ni Cherry na tanging ito ang nag-manage ng mga investment at negosyo nila dahil wala naman daw trabaho si Cherry.
Ayon kay Arnel, siya ang “sole provider” sa pamilya kaya raw lahat ng “income, assets, and investments” ay galing sa kanya.
COURT RESOLUTION
Sa huli, kinatigan ng Quezon City Regional Trial Court si Cherry.
Sinabi ng piskalya na may sapat na basehan para makasuhan si Arnel ng paglabag sa Anti-VAWC Act Section 5 Paragraph I.
Ipinaliwanag ng piskalya na may apat na elemento para masabing may nangyaring “psychological violence.”
Una, ang biktima ay babae o bata.
Ikalawa, ang biktima ay asawa o dating asawa ng offender.
Ikatlo, ang offender ay nagdulot ng “emotional anguish” sa biktima.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓
At ikaapat, ang paghihirap ng biktima ay dulot ng panghihiya sa publiko, paulit-ulit na verbal at emotional abuse, o denial of financial support or custody of minor children.
Sa kaso ng celebrity couple, lahat daw ng elemento ay “present” dahil nakitaang dumanas si Cherry ng “psychological violence” dulot ng “marital infidelity” ni Arnel noong 2021.
Paliwanag ng piskal: “Evidence disclose that in January to February 2021 respondent maintained a sexual relationship with a woman not his spouse under the name of ‘Lauro Buenavista.’
“Complainant as the spouse of the respondent caused her psychological and emotional abuse.
“Marital infidelity is a form of psychological violence. Logic and experience dictate that any woman who goes through that kind of ordeal would suffer psychologically and emotionally as a consequence.”
Sa kabilang banda, may mga alegasyon si Cherry na ibinasura ng piskalya.
Hindi tinanggap ng piskal ang mga insidente ng diumano’y pambababae ni Arnel noong 2008, 2011, at 2014 dahil sa kakulangan ng ebidensya. Hindi na rin sakop ng prescription period iyong 2008 at 2011.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓
Hindi rin tinanggap ng piskalya ang alegasyong pinagbawalan si Cherry na makita ang mga anak, dahil sa huli ay napayagan pa rin itong bumisita ng bahay, kahit naantala sa subdivision gate noong 2023.
Hindi rin tinanggap ng piskalya ang alegasyong psychological abuse dahil sa diumano’y paggamit ni Arnel ng ipinagbabawal na gamot dahil wala raw na-recover na ebidensya mula sa respondent.
Binasura rin ng piskal ang alegasyong pagmamanipula ni Arnel kay Cherry sa management ng kanilang pag-aaring building.
Ayon sa piskal, may karapatan si Arnel na mag-co-manage ng kanilang conjugal properties nila ni Cherry dahil ito ay maituturing na co-owner.
ARNEL PINEDA CAMP’S REACTION TO VAWC CASE
Unang naiulat sa Manila Bulletin, noong September 15, ang tungkol sa kinahaharap ni Arnel na kasong paglabag sa Anti-VAWC Act.
Nabanggit sa ulat na naglabas din ng bench warrant ang Quezon City Regional Trial Court laban kay Arnel dahil sa makailang beses nitong hindi pagdalo sa naitakdang arraignment niya.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓
Sa hiwalay na ulat ng usa.inquirer.net noong September 16, umalma ang U.S.-based manager ni Arnel na si Yul Session.
Ayon kay Session, ang pagdemanda ni Cherry kay Arnel ay paghihiganti lamang umano ni Cherry dahil sa naunang adultery case na isinampa ni Arnel.
May katibayan daw si Arnel na may “lover” si Cherry, at hindi lang daw nito isinapubliko noon alang-alang sa mga anak nila ni Cherry.
Sa hiwalay na ulat ng Business Mirror online site kahapon, September 21, nakasaad na humarap na si Arnel para sa arraignment nito sa Quezon City Regional Trial Court noong September 17.
Wala raw isinumiteng plea si Arnel sa korte.
Tinawagan ng PEP ang kampo ni Arnel noong September 17 at September 22 para hingan ng pahayag ukol sa kinahaharap na VAWC case ng singer.
Nagpadala rin ang PEP ng direct message kay Arnel ngayong September 22 upang hingin ang kanyang komento.
Pinadalhan ng PEP ang kampo ni Cherry ng text messages noong September 20, 21, at 22 para hingan ng pahayag ukol sa pahayag ng kampo ni Arnel.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓
Agad naming ilalathala ang anumang pahayag ng magkabilang-kampo sa oras na matanggap namin ito.
Nananatiling bukas ang PEP sa anumang pahayag ng mga personalidad na nabanggit sa artikulong ito.